Friday, 29 April 2016

...

Couch

Narinig ko muna ang tinig nya bago ko naintindihan ng lubusan ang mga kataga. 

"Sige, alis na ako...," sabay banggit ng pangalan nya. 

Nabigla ako at napaupo sa lumang sopa na nasa gitna ng maliit ng sala. Tumikhim at huminga ng malalim. Bumilang ng segundo. Maging sya ay natigilan, napigilan ng iisang salitang iyon ang sana'y paghakbang nya palabas. Tinignan nya ako at sya'y napaupo rin sa sopa. Nagkunwari muna akong abala, inayos ng ulit ang mga damit na naitupi ko na.

"Sorry." Mahina nyang anas na may kasamang lungkot, ibang-iba sa tono ng tinig nya kani-kanina lang.

Ngumiti ako, pilit. Ito yung mga ngiting inirereserba ko sa mga panahong wala akong masabi. Isang malalim na buntong-hininga at tinapik ko ng malakas ang upuan, "Oh alis na, malelate ka pa nyan Ma." Pinilit ko syang tignan sa mukha at gaya ng inaasahan ay nangingilid na ang kanyang mga luha, dagli nyang pinunasan nang makita nyang napansin ko at pagkatapos ay muling tumayo. "Sigurado ka? Kasya ba sa inyo ng kapatid mo yung ulam?"

"Okay lang yan, Mama. Ako nang bahala. Ingat ka sa pagpasok." 

Pinilit ko syang umalis kasi tila sumisikip lalo ang maliit ng salang iyon. Ayaw ko rin syang umiiyak, lalung-lalo na sa harapan ko. May kung anong galit sa loob ko ang namumuo kapag ganun. Isinira ko ang pinto pagkalabas nya ng bahay at bumalik sa sala para muling maupo. 

Ilang beses nang naging punto ng usapan kung gaano kami magkatulad. 
Sa pananalita, sa pag-iisip, sa pagtugon at sa pagtawa. Kamukhang-kamukha ko rin daw sya. Ako lang ang anak na pinaglabhan nya ng lampin, kasi nga nag-iisang babae.

Noong mga huling araw nya bago natapos ang lahat, sa salang ding iyon kami madalas nagsisigawan, ipinipilit sa isa't-isa ang sari-sariling paniniwala .Di magkasundo at di nagpapatalo. Madalas natatapos ang mga argumentong iyon kapag umaalis na ako, tinatakasan ang lahat ng hiyawan at di pagkakaunawaan. 

Mag-isa, huminga akong malalim saka binigkas ng malaks, "Wala ka talaga Pa, hanggang ngayon pinapaiyak mo pa rin sya." Tumayo ako at lumabas, naghanap ng makakatulong kung paano itatapon ang lumang sopa na nagpapasikip pa rin ng aming sala.



1 comment:

Well hey :) Is there something you would like to say?