Naaalala ko noong bata pa ako, na sa tuwing magpapabili ang tatay ko ng sigarilyo ang lagi kong itinatanong ay "saan?" at ang lagin nyang sagot na may kasamang yamot ay "baka sa hardware meron," Syempre noon mas mayayamot ako sa kanya kapag ginaganito nya ako, effective kasi ang paraan nya ng pagpapa-intindi sa akin na walang saysay yung tanong ko, swerte pa kung walang kasamang hampas yun, parang hataw ng martilyo na pilit ipinababaon ang kaalaman na sana ay dapat matik ko nang alam. Isang beses sinubukan ko ngang bumili ng Hope ni Papa sa pinakamalapit na hardware, ayun di na ako nakabili may pasa pang bonus dahil sa palo. At ang tanong nya kasabay ng bawat hagupit ng sinturon ay, "anong pinapatunayan mo? Simpleng bagay di mo pa alam?"
Bente-singko na ako at kani-kanina lang napagtanto ko na baka para pa rin akong bata na parang pinipilit bumili ng sigarilyo sa hardware store at ano ang nahita ko? Heto, panay latay. May mga bagay akong hinahanap sa maling lugar o iniisip ko na may matino akong bagay na mkikita sa lugar kung saan di available ang bagay na matitino, tapos magugulat ako sa huli kung bakit ang miserable ko lang.
At ngayon nga ay magdedesisyon na ako, nakakatawa dahil I knew all along that this is what I am supposed to do and yet I flirted with the decision for the longest time. Sa tingin ko tama na, ayaw ko nang umabot sa puntong hanggang iyak na lang ang gagawin ko sa tuwing maiisip ka. Mas maganda na kapag napag-usapan ka sa hinaharap ay mangingiti ako, yung may laman, yung mga haplos sa alaala; pero sa hinaharap pa yun masyado pang maaga ngayon. Di ko rin naman alam kung ano ba talaga ang ineexpect kong mangyari sa pagtitiis ko ng ilang buwan, yun bang babalik ang lahat sa dati? Yung mahahabang paglalakad sa timog? pag-tsa-tsaa hanggang madaling araw? at magdamagang kwentuhan? Parang ang pambata ng ganung mga eksena, napaka-out of place sa sitwasyon ko ngayon. Walang puwang ang mga alaalang iyon, mas pinatitindi lamang nila ang lungkot na nararamdaman ko ngayon. At kaya nga titigil na ako, di ko kayang dalhin ang mga bagahe mo. Siguro sumusuko na ako, at may karapatan kang sabihing ampaw pala ang tapang na ipinakita ko noon, siguro napagtanto ko lamang na ang mga bagay na nangyayari saiyo ngayon ay ang mga bagay na ikaw lamang ang may kontrol. Ayaw kong kunin ang responsibilidad mula saiyo upang komprontahin mo ang mga multo ng mga pinagdaanan mo, nagawa ko na yan sa mga issues ko at ginagawa ko pa rin sa ilang natitirang dala-dalahin ko. Sabi nga ng isang kaibigan natin, malaki ka na at di nakakatulong yung mas nag-aalala pa ako saiyo gayung di ka naman ganun sa sarili mo. Sana lang marealize mo na di ka habang buhay makakapagtago at di rin habang buhay ay may taong pwedeng sumalo sa mga bagay na ikaw mismo di mo maharap. They deserve better than that. We deserve better than that. I deserve better than that.
Gamot ang pwede mong bilhin sa botika, kape sa coffe shop at dos por dos sa hardware. Simple lang at madaling matandaan. Kailangan ko muna yatang balik-balikan ang mga simpleng kaalaman para sa susunod di ako puros iyak na lang. Sana rin mapangatawanan ko ito, ang halfhearted kasi noong huling "nagdesisyon" ako na kulang na lang i-gift wrap ulit ang puso kong di mo naman hiningi. Tulungan mo rin akong maging okay ah, para naman patas. Para namang nasa iisang pahina tayong dalawa, iisa ang pagkakaunawa.
Sige. Salamat. Paalam. Kumusta?
Tuesday, 11 November 2014
Baka sa Hardware meron
Labels:
Casual and Vocal,
Him,
Hope,
November,
Ponderings,
Tag-Lish post
A child of God, the eldest of 3, and in a great pursuit of serving her Purpose. She's currently on her quest of ticking off some items from her to-do list, cooking with either Jaime Oliver or Anthony Bourdain, climb the peak of Machu Picchu, learn the traditional way of Filipino paghahabi and go on tour with Cirque de Soleil as a part of their production staff, to name a few.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Still. Kudos to you for finding you are worth, well, more. Bravo.
ReplyDeleteThere is no one big switch na you'll just turn off when it comes to deciding when moving on, I learned. It turns out na gradual yunh process of deciding pa lang.
Delete